“Kailangan mo ba talagang
isakripisyo ang kapakanan ng iba para magampanan mo ang iyong tungkulin?” Napaisip
ako sa sinabing iyan ni Sister Juaning kay Nick pagkatapos silang takutin ng
mga ‘di kilalang lalaki (na obvious na alagad nung walanghyang manager).
Ang tanong na ‘yon ay hindi lang
para kay Nick, kundi para na rin sa dalawang Sister Stella, kay Ka Dencio at sa
pamilya niya, sa iba pang mga manggagawang kasama sa welga at pati na rin sa
mga manonood anuman ang kanilang mga propesyon. Sa kalagayan ni Nick, hindi ba
mahirap naman talaga sa isang periodista na sumulat ng isang artikulo na alam
niyang maaaring ikapahamak niya at ng ibang tao pero kailangan niyang gawin ang
kanyang tungkulin bilang isang periodista. Si Sister Stella L., na piniling
talikuran si Gigi noong una para lang makatulong sa mas maraming tao sa paraang
alam nya, pati ang kanyang sariling kaligtasan ay inilagay niya sa alanganin,
gayundin si Sister Stella B (na ikinagulat kong si Laurice Guillen pala sya). Si
Ka Dencio kasama ng kanyang pamilya at iba pang mga kasamahan niya sa unyon ay
hindi rin inalintana ang kapahamakan na maaari nilang kaharapin sa pagwewelga. Si
Gigi, katulad ng sinabi ni Sister Stella sa dulo ng pelikula, ay kagaya ng mga
manggagawang biktima ng pang-aapi sa lipunan na hindi kinayanan ang hirap ng
buhay. Masasabi ko rin na may pagkakatulad sila ni Sister Stella, dahil pareho
nilang tinakasan ang paghihirap: si Gigi, na nagpakamatay dahil ayaw magkaanak
at iniwan ng kasintahan at si Sister Stella L na nang maubusan ng pasensya ay mas
pinili ang pagsama sa welga kaysa ipagpatuloy ang counseling kay Gigi at sa
ibang nasa kumbento. Nagampanan nila nang mahusay ang kanilang mga karakter sa
pelikula.
Ipinupunto ng istorya na bilang
mga tao at bilang mga Kristyano, karapatan nilang umasenso sa buhay lalo na at
sila ay nagtatrabaho para sa kanilang mga sarili. Ngunit, dahil nga sa mga
sakim na tagapamahala, hindi sapat ang nakukuha nila galing sa kanilang mga
sariling paghihirap. Ika nga, ang mga mayayaman ay lalong yumayaman at ang mga
mahihirap ay lalong naghihirap. Kung iuugnay ito sa panahon ng panunungkulan ni
Marcos, masasabing malaking papel rin ang ginampanan ng mga madre at iba pang
mga alagad ng simbahan para makamit ng mga Pilipino ang kalayaan.
Sa editing ng pelikula, walang
masyadong ginamit na effects at panay cut lang ang naging transition. Sunud-sunod
lang din ang mga pangyayari, walang flashback. Kung sinematograpiya at ilaw
naman ang pag-uusapan, may mangilan-ngilang shots na madilim lalo na at gabi
ang setting. Sa luma na rin ng pelikula kaya hindi pa ganoon kaganda ang mga
shots. Hindi masyadong gumamit ng mga topview shots, kadalasan ay mga kuha na
karaniwang abot ng mata.
Bilib din naman ako sa musika ng
pelikula. Kahit makaluma ang dating, maganda naman ang ibig sabihin. Ginamit lang
ang musika sa mga parte ng pelikula na walang dialogue para mabigyan ng
emphasis ang mga eksenang kaugnay ng mga awitin. (Nakaka-LSS haha jk)
Sa kabuuan, maganda ang nais
iparating ng pelikula sa mga manonood at tiyak na isa sa mga mensahe nito ay ang
panunuligsa sa mga taong sakim at paglaban sa mga karapatang pantao.
No comments:
Post a Comment