Sunday, September 1, 2013

Curacha: ang Babaeng Walang Pahinga


Title pa lang ng pelikulang ito, iba na ang dating sa mata at tenga ko. At hindi nga nagkamali ang hinala ko, may mga eksena na hindi angkop sa mga konserbatibo. Nang napanood ko ang pelikula, mag-iiba ang pakahulugan mo kapag narinig mo ang “kukurukuku”.


Simula pa lang ng pelikula, nalantad agad ang katawan ni Rosanna Roces sa pagganap niya bilang si Curacha. Walang kaabog abog ang mga kasabay nitong linya. Sinabi niyang nasa buong katawan niya na ang lahat ng kaputahan sa bansang Pilipinas. Bawat sulok ng kanyang katawan ay representasyon ng mga lugar sa bansa.

Malalaman din agad sa simula kung ano ang trabaho ni Curacha at ng kanyang mga kaibigan. Sila ay mga torero at torera. Nakikipagtalik sila sa kani-kanilang mga kapareha sa harap ng mga customers sa club na pinagtatrabahuhan nila, live show kumbaga. Ang partner ni Curacha ay iniwan na siya at nagpasyang umiba ng landas na tatahakin. Si Curacha ay gumagamit rin ng droga nang maimpluwensiyahan siya ni Myrna, ang kanyang kaibigan na palagi na lang nagtatangkang magpakamatay kapag lango sa droga. Dito raw niya nakikita ang liwanag. Hindi maipagkakaila na maruming babae si Curacha. Dahil na rin ito sa impluwensya ng mga tao sa paligid niya lalung lalo na ng kanyang pamilya na ganun din ang naging trabaho. Gayunpaman, isa rin pala siyang biktima ng panghahalay.

Kahit hindi malinis ang kanyang trabaho, nasa sistema niya pa rin ang kagustuhang tumulong sa kapwa niya, lalo na kay Myrna. Makikita ito sa mga eksena kung saan palagi siyang nagbibigay sa mga pulubi, at nang nagmagandang loob siya sa batang babaeng nagtitinda ng sampaguita.

Ang istorya ni Curacha ay naganap kasabay ng kudeta sa Pilipinas. Habang nagkakagulo ang mga tao, nabubunyag din ang mga kabulukan na nagtatago sa lipunan. Isang eksena na palagay ko ay may simbolismo ay ang pagbaba ng birhen ngunit nang makita si Curacha ay sinampal siya nito. Marahil ibig sabihin nito na alam ng nasa itaas ang lahat ng ginagawa natin dito sa mundo kaya kung marumi ka ay hindi ka tatanggapin hangga’t hindi ka nagbabago at nagsisisi sa iyong mga kasalanan.

Sa kabuuan, kulang sa ilaw ang pelikula kaya napakaraming mga eksena ang madilim at mahirap na rin makita kung ano ang mga nangyayari. Isabay pa ang nakakadistract na ingay sa radio na akala mo ay hindi parte ng pelikula.

Sunud-sunod ang mga pangyayari at mahahalatang isang araw lang naganap ang istorya. Kaya siguro ang pamagat nito ay Curacha: Ang Babaeng Walang Pahinga. Dahil na rin sa tunay na pangalan ni Curacha na Corazon, at mga pangyayari sa pelikula na may naganap na kudeta, hindi ko maiwasang irelate si Curacha kay Corazon Aquino. Pagkatapos niyang ihatid ang kaibigang si Myrna sa barko, sabi niya sa voice over, ang mahalaga ay nailigtas niya si Myrna, si Aida, si Mang Ador, ang mga torero at torero, ang mga puta at mga puto sa Pilipinas.

No comments:

Post a Comment