Sunday, September 1, 2013

Kinatay

“Kapag pulis ka, at aasa ka sa sweldo mo, walang mangyayari sayo.” Ito ang mga salitang binitawan ni Kap kay Peping, isang criminology student. Si Peping ang bida sa pelikulang Kinatay.

Sa umpisa ng pelikula, makikita si Peping at si Cecille na papunta sa munisipyo para sa kanilang civil wedding. Bilang isang asawa at ama, gusto niyang kumita nang mas malaki para sa kanyang pamilya. Sa kagustuhan niyang ito, nauwi siya sa pagsama kay Abyong sa sinasabi niyang “operation” nang gabing nagkita sila sa Luneta.

Hindi alam ni Peping kung saan sila pupunta. Sakay sa van, sinundo nila si Madonna sa isang club. Si Madonna ay isang tagatulak ng droga ngunit dahil sa hindi nakabayad sa kanya ang mga pinautang niya, siya ang pinagdiskitihan ng iba pa niyang kasama. Sinimulang kabahan si Peping nang saktan at igapos ni Sarhento si Madonna. Dinala nila ito sa isang bahay sa may Bulacan. Dito pinagparausan ng isang kasamahan nila ang babae at pagkatapos ay kinatay ito. Pagkatapos, itinapon na lang kung saan saan ang mga bahagi ng katawan ni Madonna.

Bagung bago ang mga pangyayaring iyon kay Peping dahil hindi siya mulat sa mga ganung gawain. Isa pa, isa siyang criminology student na dapat sana ay magiging daan para maiwasan ang mga ganung uri ng karahasan at ilegal na gawain. Matapos niyang magpaalam kay Vic, binigyan siya nito ng pera.

Kung cinematography ng pelikula ang pag-uusapan, nakakahilo ang mga kuha ng kamera dahil bukod sa parang hindi gumamit ng tripod ang production team, eh palagi na lang nakasunod ang kamera sa bawat galaw ng karakter. Marami ring mga eksena ang madilim dahil sa kakulangan ng ilaw, halimbawa na ang kuha sa loob ng sasakyan.

Mahusay rin ang pagganap ng mga karakter lalo na si Sarhento dahil nakakatakot ang kanyang mga galaw sabayan pa ng mararahas na mga salitang ginamit. Si Peping ay mahusay rin dahil parang natural na natural ang kanyang ganap. Sa kabuuan, ang istorya ay nakakapagmulat sa mga manonood na posibleng may mga ganitong pangyayari sa totoong buhay lalo na at talamak ang bentahan at paggamit ng droga.

Gumamit ang pelikula ng mga sound effects na mas nagpapakaba sa manonood habang naghihintay ng susunod na mangyayari. Natawa lang ako nang may isang eksena na usapan ni Papa Jack at ng kanyang caller ang background.


Para sa akin, ang pelikulang ito ay para ipaalam sa mga tao na kapag nabalot ng kasamaan ang isang tao, lalo lang madaragdagan ang kasamaang ito kapag wala sa kanyang sistema ang pagsisisi. Isa pa, ang pagiging pulis ngayon ay nababahiran na ng imahe na hindi tapat sa serbisyo at mapang-abuso. 

No comments:

Post a Comment