Monday, September 23, 2013

Sister Stella L.

“Kailangan mo ba talagang isakripisyo ang kapakanan ng iba para magampanan mo ang iyong tungkulin?” Napaisip ako sa sinabing iyan ni Sister Juaning kay Nick pagkatapos silang takutin ng mga ‘di kilalang lalaki (na obvious na alagad nung walanghyang manager).

Ang tanong na ‘yon ay hindi lang para kay Nick, kundi para na rin sa dalawang Sister Stella, kay Ka Dencio at sa pamilya niya, sa iba pang mga manggagawang kasama sa welga at pati na rin sa mga manonood anuman ang kanilang mga propesyon. Sa kalagayan ni Nick, hindi ba mahirap naman talaga sa isang periodista na sumulat ng isang artikulo na alam niyang maaaring ikapahamak niya at ng ibang tao pero kailangan niyang gawin ang kanyang tungkulin bilang isang periodista. Si Sister Stella L., na piniling talikuran si Gigi noong una para lang makatulong sa mas maraming tao sa paraang alam nya, pati ang kanyang sariling kaligtasan ay inilagay niya sa alanganin, gayundin si Sister Stella B (na ikinagulat kong si Laurice Guillen pala sya). Si Ka Dencio kasama ng kanyang pamilya at iba pang mga kasamahan niya sa unyon ay hindi rin inalintana ang kapahamakan na maaari nilang kaharapin sa pagwewelga. Si Gigi, katulad ng sinabi ni Sister Stella sa dulo ng pelikula, ay kagaya ng mga manggagawang biktima ng pang-aapi sa lipunan na hindi kinayanan ang hirap ng buhay. Masasabi ko rin na may pagkakatulad sila ni Sister Stella, dahil pareho nilang tinakasan ang paghihirap: si Gigi, na nagpakamatay dahil ayaw magkaanak at iniwan ng kasintahan at si Sister Stella L na nang maubusan ng pasensya ay mas pinili ang pagsama sa welga kaysa ipagpatuloy ang counseling kay Gigi at sa ibang nasa kumbento. Nagampanan nila nang mahusay ang kanilang mga karakter sa pelikula.

Ipinupunto ng istorya na bilang mga tao at bilang mga Kristyano, karapatan nilang umasenso sa buhay lalo na at sila ay nagtatrabaho para sa kanilang mga sarili. Ngunit, dahil nga sa mga sakim na tagapamahala, hindi sapat ang nakukuha nila galing sa kanilang mga sariling paghihirap. Ika nga, ang mga mayayaman ay lalong yumayaman at ang mga mahihirap ay lalong naghihirap. Kung iuugnay ito sa panahon ng panunungkulan ni Marcos, masasabing malaking papel rin ang ginampanan ng mga madre at iba pang mga alagad ng simbahan para makamit ng mga Pilipino ang kalayaan.

Sa editing ng pelikula, walang masyadong ginamit na effects at panay cut lang ang naging transition. Sunud-sunod lang din ang mga pangyayari, walang flashback. Kung sinematograpiya at ilaw naman ang pag-uusapan, may mangilan-ngilang shots na madilim lalo na at gabi ang setting. Sa luma na rin ng pelikula kaya hindi pa ganoon kaganda ang mga shots. Hindi masyadong gumamit ng mga topview shots, kadalasan ay mga kuha na karaniwang abot ng mata.

Bilib din naman ako sa musika ng pelikula. Kahit makaluma ang dating, maganda naman ang ibig sabihin. Ginamit lang ang musika sa mga parte ng pelikula na walang dialogue para mabigyan ng emphasis ang mga eksenang kaugnay ng mga awitin. (Nakaka-LSS haha jk)

Sa kabuuan, maganda ang nais iparating ng pelikula sa mga manonood at tiyak na isa sa mga mensahe nito ay ang panunuligsa sa mga taong sakim at paglaban sa mga karapatang pantao.

Sunday, September 15, 2013

Masahista

Ang pelikulang ito ay tungkol sa isang binata na nagtatrabaho bilang masahista ngunit pagkatapos ng pagmamasahe ay mayroong extra service. Ika nga ng isang masahista sa pelikula, kahit anong extra service ang ibinibigay nila.

Hindi ko masyadong naintindihan ang istorya, basta ito ay tungkol kay Illiac na nagtatrabaho para sa pamilya dahil iniwan sila ng tatay niya na ipinakitang namatay sa pelikula. Mababatid ng manonood na para talagang wala silang masyadong pakialam sa pagkamatay ng kanilang ama dahil naging malayo ang loob nila dito mula nang sila ay iwan nito. Ngunit sa huli nakitang umiiyak si Illiac hawak ang mga sukat ng paa nilang magkakapatid na may presyo. Ibig sabihin, kahit na iniwan sila ng tatay nila ay mahal pa rin sila nito. Ipinakita sa pelikula na siya ay mahilig sa sapatos, marahi iyon ang bagay na hindi naibigay ng kanyang ama noon.

Nagampanan ng bawat tauhan ang kanilang karakter sa pelikula. Ikaw ba naman ang gumanap na masahista sa kapwa mo lalaki, at masahe kung masahe talaga. Angkop ang ginamit na disenyo sa bawat eksena sa pelikula. Sa pamamagitan ng mga disenyo, nabubuo sa isip ng mga manonood ang tunay na kalagayan ng bawat karakter lalo na ni Illiac.

Sa sinematograpiya, simple ang ang ginamit na mga shots. Mapapansin na habang may mga kanya-kanyang customers ang mga masahista, ipinapakita sila nang suud-sunod sa pamamagitan ng top view at panning. Mayroon ding mga shots na sumusunod lang sa tauhan.

Ipinakita rin ang dalawang magkaibang panahon sa pamamagitan ng magkaibang effect sa eksena. Kapag kasama ni Illiac ang kanyang pamilya, noong burol at libing ng tatay niya, iba ang aura, parang makaluma at malungkot. Naulit sa huli ang nangyari sa unang bahagi ng pelikula, marahil ibig sabihin ay kahit namatay na ang tatay ni Illiac, walang magbabago at ganun pa rin ang magiging gawain niya,

Mas ginamit ang sound effects sa mga eksenang walang masyadong dialog. Ito ay para paigtingin ang emosyon na dapat maramdaman ng manonood. Sa paggamit ng ilaw, makikitang nag-iiba-iba ang kulay ng ilaw sa loob ng mga kwarto. Normal ang ilaw kapag nagmamasahe lang, kapag naman medyo green ay nag-uusap rin ng medyo green ang masahista at ang customer at kapag mapula ay medyo may kakaiba nang nangyayari o kaya kapag wala nang saplot ang masahista at ang customer.

Iba talaga ang mga gawa ni Brillante Mendoza. Masyadong malalim ang mga kahulugan.

Sunday, September 1, 2013

Kinatay

“Kapag pulis ka, at aasa ka sa sweldo mo, walang mangyayari sayo.” Ito ang mga salitang binitawan ni Kap kay Peping, isang criminology student. Si Peping ang bida sa pelikulang Kinatay.

Sa umpisa ng pelikula, makikita si Peping at si Cecille na papunta sa munisipyo para sa kanilang civil wedding. Bilang isang asawa at ama, gusto niyang kumita nang mas malaki para sa kanyang pamilya. Sa kagustuhan niyang ito, nauwi siya sa pagsama kay Abyong sa sinasabi niyang “operation” nang gabing nagkita sila sa Luneta.

Hindi alam ni Peping kung saan sila pupunta. Sakay sa van, sinundo nila si Madonna sa isang club. Si Madonna ay isang tagatulak ng droga ngunit dahil sa hindi nakabayad sa kanya ang mga pinautang niya, siya ang pinagdiskitihan ng iba pa niyang kasama. Sinimulang kabahan si Peping nang saktan at igapos ni Sarhento si Madonna. Dinala nila ito sa isang bahay sa may Bulacan. Dito pinagparausan ng isang kasamahan nila ang babae at pagkatapos ay kinatay ito. Pagkatapos, itinapon na lang kung saan saan ang mga bahagi ng katawan ni Madonna.

Bagung bago ang mga pangyayaring iyon kay Peping dahil hindi siya mulat sa mga ganung gawain. Isa pa, isa siyang criminology student na dapat sana ay magiging daan para maiwasan ang mga ganung uri ng karahasan at ilegal na gawain. Matapos niyang magpaalam kay Vic, binigyan siya nito ng pera.

Kung cinematography ng pelikula ang pag-uusapan, nakakahilo ang mga kuha ng kamera dahil bukod sa parang hindi gumamit ng tripod ang production team, eh palagi na lang nakasunod ang kamera sa bawat galaw ng karakter. Marami ring mga eksena ang madilim dahil sa kakulangan ng ilaw, halimbawa na ang kuha sa loob ng sasakyan.

Mahusay rin ang pagganap ng mga karakter lalo na si Sarhento dahil nakakatakot ang kanyang mga galaw sabayan pa ng mararahas na mga salitang ginamit. Si Peping ay mahusay rin dahil parang natural na natural ang kanyang ganap. Sa kabuuan, ang istorya ay nakakapagmulat sa mga manonood na posibleng may mga ganitong pangyayari sa totoong buhay lalo na at talamak ang bentahan at paggamit ng droga.

Gumamit ang pelikula ng mga sound effects na mas nagpapakaba sa manonood habang naghihintay ng susunod na mangyayari. Natawa lang ako nang may isang eksena na usapan ni Papa Jack at ng kanyang caller ang background.


Para sa akin, ang pelikulang ito ay para ipaalam sa mga tao na kapag nabalot ng kasamaan ang isang tao, lalo lang madaragdagan ang kasamaang ito kapag wala sa kanyang sistema ang pagsisisi. Isa pa, ang pagiging pulis ngayon ay nababahiran na ng imahe na hindi tapat sa serbisyo at mapang-abuso. 

Curacha: ang Babaeng Walang Pahinga


Title pa lang ng pelikulang ito, iba na ang dating sa mata at tenga ko. At hindi nga nagkamali ang hinala ko, may mga eksena na hindi angkop sa mga konserbatibo. Nang napanood ko ang pelikula, mag-iiba ang pakahulugan mo kapag narinig mo ang “kukurukuku”.


Simula pa lang ng pelikula, nalantad agad ang katawan ni Rosanna Roces sa pagganap niya bilang si Curacha. Walang kaabog abog ang mga kasabay nitong linya. Sinabi niyang nasa buong katawan niya na ang lahat ng kaputahan sa bansang Pilipinas. Bawat sulok ng kanyang katawan ay representasyon ng mga lugar sa bansa.

Malalaman din agad sa simula kung ano ang trabaho ni Curacha at ng kanyang mga kaibigan. Sila ay mga torero at torera. Nakikipagtalik sila sa kani-kanilang mga kapareha sa harap ng mga customers sa club na pinagtatrabahuhan nila, live show kumbaga. Ang partner ni Curacha ay iniwan na siya at nagpasyang umiba ng landas na tatahakin. Si Curacha ay gumagamit rin ng droga nang maimpluwensiyahan siya ni Myrna, ang kanyang kaibigan na palagi na lang nagtatangkang magpakamatay kapag lango sa droga. Dito raw niya nakikita ang liwanag. Hindi maipagkakaila na maruming babae si Curacha. Dahil na rin ito sa impluwensya ng mga tao sa paligid niya lalung lalo na ng kanyang pamilya na ganun din ang naging trabaho. Gayunpaman, isa rin pala siyang biktima ng panghahalay.

Kahit hindi malinis ang kanyang trabaho, nasa sistema niya pa rin ang kagustuhang tumulong sa kapwa niya, lalo na kay Myrna. Makikita ito sa mga eksena kung saan palagi siyang nagbibigay sa mga pulubi, at nang nagmagandang loob siya sa batang babaeng nagtitinda ng sampaguita.

Ang istorya ni Curacha ay naganap kasabay ng kudeta sa Pilipinas. Habang nagkakagulo ang mga tao, nabubunyag din ang mga kabulukan na nagtatago sa lipunan. Isang eksena na palagay ko ay may simbolismo ay ang pagbaba ng birhen ngunit nang makita si Curacha ay sinampal siya nito. Marahil ibig sabihin nito na alam ng nasa itaas ang lahat ng ginagawa natin dito sa mundo kaya kung marumi ka ay hindi ka tatanggapin hangga’t hindi ka nagbabago at nagsisisi sa iyong mga kasalanan.

Sa kabuuan, kulang sa ilaw ang pelikula kaya napakaraming mga eksena ang madilim at mahirap na rin makita kung ano ang mga nangyayari. Isabay pa ang nakakadistract na ingay sa radio na akala mo ay hindi parte ng pelikula.

Sunud-sunod ang mga pangyayari at mahahalatang isang araw lang naganap ang istorya. Kaya siguro ang pamagat nito ay Curacha: Ang Babaeng Walang Pahinga. Dahil na rin sa tunay na pangalan ni Curacha na Corazon, at mga pangyayari sa pelikula na may naganap na kudeta, hindi ko maiwasang irelate si Curacha kay Corazon Aquino. Pagkatapos niyang ihatid ang kaibigang si Myrna sa barko, sabi niya sa voice over, ang mahalaga ay nailigtas niya si Myrna, si Aida, si Mang Ador, ang mga torero at torero, ang mga puta at mga puto sa Pilipinas.