Saturday, July 27, 2013

Ploning


Kung isang episode lang ito ng Maalaala Mo Kaya, iisipin ko na ang title nito ay "Lychee." Pero ito ay tungkol kay Ploning, na ang buhay ay ipinakita sa pamamagitan ng pagbabalik ng alaala ni Digo sa muli niyang pagdating sa Cuyo, at sa mga kwento ni Celing.

Si Ploning ay larawan ng isang babae na matatag, may kakayahang magpagaan ng loob ng iba, matiyaga, may tiwala sa Diyos  at higit sa lahat, mapagmahal. Ika nga ni Celing, mahalaga siya sa mga taong nasa paligid niya kaya hindi nararamdaman ng mga ito ang kawalan ng ulan. Sa kabila nito, marami pa rin silang hindi alam kay Ploning dahil siya ay maramot maglabas ng nararamdaman. Malihim siya at ayaw niyang maging kalungkutan ng iba ang kaligayahan niya. Naging mapusok din siya nung kabataan niya at 'yun ang naging dahilan kung bakit nagalit sa kanya ang kanyang ama at lumayo ang loob ni Ploning sa kanya. Matiyaga siyang naghintay sa mahal niyang si Tomas pero hindi niya na ito nakitang muli nang mamatay sa Maynila. Ngunit sa kabila nito ay naging matatag siya na harapin ang katotohanan na hindi niya na muling makikita si Tomas. Hindi niya pa rin nakakalimutang magpasalamat sa lahat ng nangyayari sa kanyang buhay. Nagampanan nang ayos ni Judy Ann Santos ang kanyang karakter sa pelikula bagaman hindi ito katulad ng iba niyang mga ginampanan na puro drama. Makikita sa mata niya ang emosyon na dapat niyang ipakita sa mga manonood.

Si Mou Sei, na unang ipinakita bilang isang lalaki na naghahanap ng kasagutan kung sino o ano ang Ploning na palagi niyang sinasambit ayon kay Tsuy. Nabunyag na si Mou Sei at ang batang si Digo ay iisa. sa paghahanap niya kay Ploning, nalaman niya na hindi niya lubos na kilala ang tinuring niya na pangalawang nanay. Mahal na mahal siya ni Ploning dahil isinilang siya sa araw ng kamatayan ni Tomas. Siya ang nag-uugnay kay Ploning at kay Tomas at pagmamahal ang nag-uugnay kay Ploning at kay Digo. Si Digo ay ibinigay ng Diyos kay Ploning para mabilis na matanggap ni Ploning ang pagkamatay ni Tomas. Kung si Ploning ay naghihintay sa pagbabalik ng taong mahal niya, hinahanap naman ni Digo ang taong may lugar sa kanyang puso.

Nagampanan ng iba't ibang mga artista ang kanilang mga karakter: Ang tatay ni Ploning ay larawan ng isang magulang na hindi kayang tiisin ang anak habambuhay. Siya rin ay hindi natatakot sa kamatayan dahil naniniwala siya sa Diyos; Si Nieves naman ay isang babae na hindi tumingin sa panlabas na anyo nang piliin si Tuting bilang asawa; Si Alma na hindi nakapag-aral at sumunod na lang sa naging kagustuhan ng asawa, mistulang umaasa sa wala, umibig ngunit hindi pinairal ang utak. Ang anak niya na si Jingjing ay maikukumpara ko kay Ploning na hindi nakakapaglabas ng nararamdaman; Si Celing na nakakuha ng lakas at inspirasyon kay Ploning; Si Siloy na nasaktan dahil sa pag-ibig gunit napagaan ang pakiramdam dahil sa payo ni Ploning; Si Veiling na kuya ni Digo na ipinakita ang sobrang pagmamahal sa kapatid; Si Juaning na nanay nina Digo at Veiling na kahit baldado at kahit iniwan ng asawa ay hindi nagsisi na biniyayaan siya ng dalawang mababait na anak; Si Intang na nanay ni Tomas na nawalan ng tiwala sa Panginoon nang dahil sa mga problemang kinaharap niya; Si Badocdoc na naging daan para makabalik si Digo sa kanyang baryo; Si Tsuy na isang Taiwanese na nakakita kay Digo sa dagat at siyang kumupkop dito at hindi siya pinabayaan.

Kapag may kasalukuyang eksena na nagshishift sa flashback or vice versa, gumagamit sila ng mga clips na parehong nagamit sa magkaibang panahon bilang transition. Halimbawa, yung pagkaskas ni Ploning ng balugo sa may sementeryo ay nagamit bilang transition sa eksena kung saan ikinaskas ni Badocdoc ang balugo na nakita niya sa lumang bahay. Naging paraan din sa pagbubunyag ng mga twists ang narration ni Celing habang may nangyayaring flashback. Hindi pa rin nawala sa pelikula ang pag-eendorso ng mga produkto gaya ng Shell at Coke. Paiba-iba ng anggulo ang mga eksena kaya hindi nakakatamad panoorin. Kaabang-abang din ang mga susunod na eksena at ang mga rebelasyon.

Madalas na ang setting ng mga eksena ay sa bahay nina Ploning, sa may tabing-dagat pero mas madalas sa sementeryo. Marahil sinisimbolo nito na kahit nasa kabilang-buhay na si Tomas ay mahal niya pa rin ito at umaasa na magkikita pa silang muli sa tamang panahon.

Mula nang panoorin ko ang pelikula, hindi na nawala sa isip ko ang official soundtrack nito. Kahit na hindi ko alam kung paano ang tamang bigkas ng mga salita sa kanta, nakakahalinang sabayan ito. Isa pala talaga itong kanta ng mga Cuyunon.

Sa kabuuan, maganda ang pelikula at nakakaantig ng puso. Hindi basta-basta ang istorya at makakakuha ng mga aral lalo sa buhay. Sabi nga ni Celing, "Dalawa lang naman ang maaaring mangyari sa taong lumulundag na may tiwala sa Diyos eh - sinasalo Niya o tinuturuan Niyang lumipad."

Saturday, July 13, 2013

Anak


"Bakit gano'n? Ang lalaki kapag binigyan niya ang pamilya niya ng pagkain, damit, bahay, tapos napag-aral niya ang mga anak niya, agad sasabihin ng mga tao, 'aba mahusay siyang ama'. Pero kapag babae ka, kahit ibinigay mo na ang lahat ng 'yun sa mga anak mo, kasama pa pati puso at kaluluwa, parang hindi pa rin sapat na tawagin kang mabuting ina."

Sa panonood ko ng pelikulang Anak, itong mga linya na 'to ni Josie ang talagang tumatak sakin. Bakit nga ba ganun? Siguro dahil nasanay tayong mga Pilipino na ang ina ay dapat nasa bahay lamang, nag-aalaga ng mga anak, nag-aasikaso ng asawa at gumagawa ng mga gawaing-bahay.  Kilala ang mga Pilipino sa pagiging malapit sa pamilya. Ipinakita sa pelikula na kahit na nagagawa rin ng isang babae ang mga bagay na kayang gawin ng mga lalaki, mas mahalaga pa rin sa mga anak na makasama nila ang kanilang ina.

Sa pelikulang ito, walang naging boses ang mga kalalakihan at sa paraan ng pag-arte ni Rudy ay inilalarawan niya ang pagiging mahina ng mga lalaki. Nakatuon lamang sa mga babae ang pelikula at pinagkumpara sila. Makikita ito sa eksena ng tatlong magkakaibigan na sina Josie, Lyn at Mercy habang umiiyak si Josie. Dito ipinakahulugan ni Lyn na walang naging "pakinabang" si Rudy sa kanilang pamilya kaya napilitang umalis si Josie at mangibang-bansa. Kahit na nakatuon sa mga babae ang pelikula, ipinapahiwatig pa rin nito na parang napakalaking issue kapag babae ang nagkakamali, lalo na kapag isang ina. Samantalang kapag mga lalaki ay natural na lang.

Kahit na magkakaiba ang sitwasyon ng mga buhay ng tatlong magkakaibigan, iisa lang ang dahilan kung bakit sila umalis ng bansa, para magtrabaho at mabigyan ng magandang buhay ang kanilang kani-kaniyang mga pamilya. Ang sitwasyon ay makikita rin sa totoong buhay dahil alam naman nating lahat na mas malaki ang kikitain sa ibang bansa kaysa dito sa Pilipinas lalo na kung hindi ka nakapagtapos ng pag-aaral.

Si Carla na bukod sa nalulong sa droga at batang naging malaki ang galit sa ina ay salamin ng isang tao na kinain na ng poot ang puso at hindi na nagawang respetuhin ang iba lalo na ang sarili. Ngunit sa huli ay natuto nang makinig at magpatawad. Si Michael, kahit na walang masyadong dialog ay makahulugan ang mga reaksyon ng mukha. Si Daday naman ay inosente pa sa mga bagay na tama at mali ngunit nararamdaman ang pagmamahal ng ina.

Sa kabuuan ng pelikula, may mga pagkakataong nakakalito ang takbo ng mga pangyayari dahil walang masyadong ginamit na effects kapag may flashback. Isa pa, may mga eksena na masyadong matagal ang gamit ng shot at walang masyadong palitan ng anggulo kaya medyo nagiging boring. Kadalasan ay sa kung sino lang ang nagsasalita nakafocus ang kamera at mapapalitan lang ito kapag iba na ang nagsalita. Konti lang ang ginamit na musika pero dahil sa ilaw ay naibigay din naman nito ang emosyon na dapat maramdaman ng manonood.

Sa galing ng pag-arte ni Vilma Santos, napaiyak talaga ako at lalo ko lang napatunayan sa sarili ko na iba talaga magmahal ang isang ina. Kahit na anong mangyari, hindi matitiis ng isang ina ang kanyang anak. --- BAB