Saturday, June 22, 2013

Himala



Kahit hindi ko pa noon napapanood itong pelikula ng batikang aktres na si Nora Aunor, alam ko nang ito ang pinanggalingan ng sikat na mga katagang "Walang himala!"

Umikot ang istorya sa paniniwala ng mga tao na mayroong himala, na si Elsa ay naghihimala mula nang makita niya ang Mahal na Birhen sa burol sa kanilang lugar sa Cupang at makapanggamot. Ipinapahiwatig ng konsepto ng pelikula na ang mga tao minsan ay nabubulag ng mga paniniwala na akala nila ay totoo, nagpapanggap na may pananampalataya ngunit  sila naman pala'y mapagsamantala. Marahil ito rin ang sinisimbolo ng eclipse, natatakpan ng dilim ang liwanag.

Nabigyan ng katarungan ng mga characters ang kani-kaniyang mga roles. Ang maganda sa pelikula ay hindi lamang kay Elsa umikot ang buong istorya. Pati ang mga ibang characters ay may nararanasang conflict sa kanilang mga sarili.

Si Elsa ay sumasalamin sa mga nagpapanggap na propeta ng Diyos na siyang naglilihis ng pananampalataya ng mga tao, nakita ito sa mga eksena kung saan gustung gusto ni Elsa ang publicity na nakukuha niya at ang pagsamba sa kanya ng mga taong gustong magpagamot sa kanya. Walang masyadong dialog si Elsa ngunit bawat reaksyon ng kanyang mukha ay may kahulugan na agad na maiintindihan ng manonood. Si Chayong ay nabulag sa pananampalataya kay Elsa kaya't sa huli ay napahamak siya at lalong hindi napaganda ang buhay. Si Sepa naman ay namatayan ng dalawang anak dahil napabayaan niya na ang mga ito sa kakasama kay Elsa. Si Mrs. Alba ay sumasalamin sa mga taong nananamantala sa iba para lamang kumita. Si Baldo ay isa rin sa self proclaimed na apostle ni Elsa ngunit makikita sa pelikula na siya ay marumi rin dahil may nangyari sa kanila ng isang babae sa kabaret ni Nimia. Si Nimia naman ay larawan naman ng isang maruming babae na lalong nawalan ng pananamplataya dahil sa sinapit na masamang karanasan. Si Orly na isang film director ay nabago naman ng mga pangyayaring nakuhanan ng kanyang camera tungkol sa buhay ni Elsa. Naging mas importante sa kanya ang pagrespeto sa iba kaysa sa trabaho. Ang pari naman ang siyang nagsabi kay Elsa na hindi nagbibigay ng himala ang Diyos para lang pagtakpan ang kawalang pananampalataya ng mga tao ngunit siya'y hindi pinaniwalaan nito.

Sa direksyon, nakakabilib dahil sa daan-daan o libu-libong tao na naging extra sa pelikula, lalong naging mahusay ang pagkakaexecute ng mga eksena especially yung scene na buhat-buhat si Elsa ng mga tao nang siya ay mabaril. Lalong mas naging makatotohanan at mas nakakapangilabot ang dating. Nag-iwan ng palaisipan sa manonood kung sino ang bumaril kay Elsa. Sa palagay ko, si Pilo, dahil parang sinisisi niya si Elsa sa pagkamatay ng mahal niyang si Chayong. Sa cinematography, simpleng shots lang ang ginamit sa pelikula tulad ng panning at bihira lang magpalit-palit ng anggulo. May mga eksena na madilim dahil na rin siguro matagal nang ginawa ang pelikulang ito.

Kapani-paniwala ang mga pangyayari dahil sa location, ang baryo Cupang ayon sa mga tao ay hindi nakakaranas ng ulan kaya naman ipinakita na ito ay parang tuyot na tuyot. Hindi lang naging maganda kung mapapansin na mayroong Dunkin Donuts na kahon sa part na binibihisan nina Sepa si Elsa. Akala ko namalikmata lang ako, Dunkin Donuts pala talaga. Gumamit ng mga nakakakilabot na tunog ang pelikula kaya nakadagdag ito sa misteryo nito, simula pa lang parang nakakatakot na dagdagan pa ng eclipse habang bumuo yung natitirang liwanag ng krus.

Sa kabuuan, napakaganda ng pelikula dahil masasalamin sa totoong buhay yung mga pangyayari na naganap lalo na't patungkol ito sa relihiyosong pananaw ng mga tao. Akala ko dati boring ang pelikula na ito pero naisip ko hindi naman ito mananalo ng maraming awards kung ganun. -- BAB

Saturday, June 15, 2013

by Bernadeth Boquiron

First statements pa lang sa pelikulang "Ang Babae sa Septic Tank" makakakuha ka na ng hint kung anong meron sa kanya. Akala ko nung una magfofocus sa kahirapan yung concept ng film, ginamitan lang ng voice over na pinapaliwanag yung magiging sequence at shots ng mga scenes para may kakaibang dating. Mali pala ako, hindi naman kahirapan yung main theme nito.

Ginamit nila yung idea ng poverty sa pagpaparating sa audience ng mga experiences sa paggagawa ng isang indie film. Nandito yung magtatalo yung director at producer sa magiging treatment sa bawat eksena, yung pagpili sa kukunin nilang lead at yung excitement at kaba sa pagpapa-oo sa mapipili, yung paghahanap ng magandang location, yung budget para sa lahat ng kailangan at syempre yung risk ng paggagawa ng isang independent film.

Gusto ko yung VO nina Bingbong at Rainier na pinag-uusapan kung sino kina Eugene Domingo, Cherry Pie Picache at Mercedes Cabral yung babagay na gumanap bilang Mila. At habang nangyayari to, pinapakita naman nang paulit-ulit yung mga scenes with the three different characters through Jocelyn's imagination. Nakakabilib din yung pagpapakita nila ng iba't ibang treatment dun sa story nila, nung una yung anak na babae na naging anak na lalaki, tapos walang narration na nagkaron ng narration, naging docu drama rin at naging musical. Pati yung pedophile pinagtalunan din nila kung anong magiging lahi. Lahat nang yun ipinakita bilang imagination ni Jocelyn.

Nakakatawa yung part na napakaraming gustong baguhin ni Eugene pati na rin yung pag-eendorse ng mga produkto at yung pagkakaron niya ng make-up to think na mahirap lang sila. Nagiging OA at hindi makatotohanan. Pagdating naman sa paghahanap nila ng location, pagkarating nla dun sa place, nagkahint na rin ako na posibleng manakawan sila dun. And I was right. That's one of the risks of making an indie film, you'll not know what will happen next. Itataya mo lahat para lang mas maging makatotohanan bawat eksena.

Pinakita dito yung mga pangyayari at mga problema na pwedeng makaharap sa paggagawa ng isang indie film habang ipinapakita rin yung kalagayan ng isang mahirap na pamayanan, lalo na ng isang mahirap na pamilya at ng isang ina na hindi na malaman kung paano pa bubuhayin ang mga anak niya.

*may isa lang pala akong napansin sa pelikula dun sa part na nahulog si Eugene sa septic tank. Paglutang ng ulo nya, meron na siyang goggles pero yung sinundan niyang eksena wala pa siyang goggles.

Hindi ako sigurado kung bakit "Ang Babae sa Septic Tank" yung title ng pelikula, pero siguro ito yung paglalarawan sa isang babae na "Walang Wala", na sa sobrang kahirapan, kakapit na sa patalim at kahit maruming trabaho papasukin para lang magkapera.